Nanawagan si Rizal Medical Center Specialty Center Head Dr. Nelinda Catherine Pangilinan na isama ang reproductive health sa basic education curriculum kasunod ng pagtaas ng kaso ng cervical cancer sa mga kabataang Pilipino.

Ayon kay Pangilinan, mahalagang maturuan ang mga kabataan kung paano pangalagaan ang kanilang reproductive health, kabilang ang tamang kaalaman sa sexual health at pag-iwas sa mga sakit.

Sinabi rin niya na mayroon nang mga pasyenteng edad 20 pababa na na-diagnose na may cervical cancer. Ilan sa mga ito ay nagsimulang makipagtalik sa edad na 14 at nagkaroon ng tatlo o higit pang sexual partners.

Hinikayat din ni Pangilinan ang publiko na sumailalim sa regular na HIV at HPV screening, gayundin sa Pap smear, upang maagang matukoy ang mga posibleng sakit sa reproductive system.

Nagbabala rin siya tungkol sa ovarian cancer na kadalasang walang sintomas at madalas natutuklasan lamang kapag nasa malubhang yugto na. Aniya, mas napadali na ngayon ang maagang pagtukoy sa sakit dahil sa mas malawak na paggamit ng ultrasound sa mga ospital.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, isinusulong din ng Rizal Medical Center ang regular na nutritional counseling bilang bahagi ng mga hakbang sa pag-iwas sa iba’t ibang sakit.