Patay sa aksidente ang driver at chief ng Task Force Lingkod- Cagayan o TFLC-Sanchez Mira habang sugatan ang tatlong iba pa matapos bumangga sa poste ng kuryente ang kanilang rescue ambulance sa madilim na bahagi ng lansangan ng Brgy. Callungan.
Kinilala ang nasawi na si John Leo Fuertes, 32-anyos, walang asawa at residente ng Brgy Centro 2 habang sugatan ang mga kasamahan nito na sina Roger Balanay; 54-anyos; John Wesley Banay, 21-anyos; at Flordelino Ringor, 42-anyos.
Ayon kay PCAPT Randy Tamaray ng PNP Sanchez Mira, nangyari ang aksidente dakong alas-9:55 ng gabi nitong Bagong Taon nang pabalik na ang rescue ambulance mula sa ospital matapos isugod ang mga biktima ng nirespondehang aksidente sa lansangang bahagi ng Brgy Centro Dos.
Ngunit pagdating nito sa lugar ng pinangyarihan ng aksidente, nawalan ng kontrol ang driver na si Fuertes nang iniwasan nito ang mababanggang kolongkolong na walang tail light na dahilan ng pagkakabangga nito sa poste at pagbaligtad ng minanehong rescue ambulance.
Sinabi ni Tamaray na tumilapon sa sementadong bahagi ng lansangan si Fuertes kasama ang dalawang iba pa habang ang isa ay nasa loob.
Nabatid pa na bukod sa madilim sa lugar o walang street light ay umuulan pa nang gabing mangyari ang aksidente.
Samantala, inilipat na sa pagamutan sa Tuguegarao City ang driver ng motorsiklo na unang naaksidente at nirespondehan ng TFLC-Sanchez Mira matapos aksidenteng mabangga ng isang kotse sa Brgy Centro 2 dakong alas 9-35 ng gabi.
Dalawa naman sa angkas nito ang patuloy na nagpapagaling sa pagamutan dahil sa mga tinamong sugat sa katawan matapos silang tumilapon sa motorsiklo.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Tamaray na hindi napansin ng kotse ang motorsiklo nang bigla itong nag-right turn nang hindi man lamang nagsignal-light
Bukod sa walang suot na helmet ay wala ring lisensya ang driver ng motorsiklo.
Sinabi ni Tamaray na nagkaroon na rin ng pag-uusap sa pagitan ng motorsiklo at kotse kaugnay sa kanilang posibleng pag-aayos at hindi na mauwi sa demandahan.