TUGUEGARAO CITY-Namamaga at hindi pa rin maigalaw ang katawan ng isang rescuer na kabilang sa mga nakuryente habang nagsasagawa ng rescue operation sa Brgy. Linao East dito sa lungsod ng Tuguegarao nang mangyari ang malawakang pagbaha.

Ayon kay Mila Agcaoili, tiyahin ng naturang rescuer na si Jayson Yaban, hanggang ngayon ay nasa pagamutan pa ang pamangkin at iniinda pa rin ang mga tinamong sugat sa katawan.

Batay sa kwento ni Yaban, sinabi ni Agcaoili na dahil sa lakas ng agos ng tubig ay nabangga ng kanilang team ang isang poste na may live wire na sanhi ng pagsabog ng transformer.

Aniya, nang magliyab ang apoy ay may bumagsak umano sa kanyang pamangkin kung kaya’t nalapnos ang ilang bahagi ng katawan ni Yaban.

Si Yaban ay kabilang sa mga rescue team na mula sa bayan ng PeƱablanca na nag-augment sa lungsod para sumaklolo sa mga residente na lubog na sa baha.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod kay Yaban, dalawa pa sa kanilang kasamahan ang nasugatan din at kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan habang ang isa ay binawian ng buhay na isang kawani ng BFAR.

Kaugnay nito, nananawagan ng tulong pinansyal si Agcaoili para sa kanyang pamangkin dahil kapos din sa pera ang kanilang pamilya.