TUGUEGARAO CITY- Naniniwala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR Region 2 na naibigay nila ang sapat na mga katibayan upang maging kwalipikado na kilalaning bayani ang isasa kanilang rescuer na namatay habang nagsasagawa ng rescue operation sa Linao East, Tuguegarao City noong November 13, 2020.
Sinabi ni Dr. Ronaldo Libunao, administrative at finance officer ng BFAR Region 2 na nakatakda nang ipadala ng Civil Service Commission Region 2 ang mga naibigay nilang mga patunay na nagbuwis ng buhay si Henry Kelly Villarao, regulations officer 1 ng BFAR habang ginagampanan ang kanyang tungkulin.
Ayon kay Libunao, nagtungo sa kanilang tanggapan ang mga kawani ng CSC Region 2 sa kanilang tanggapan at kinuha ang mga salaysay ng mga kasama at nakasaksi sa nangyari kay Villarao na pagbabasehan para mapabilang siya sa “Pamana Lingkod-Bayani” award ng CSC.
Ang “ Pamanang Lingkod-Bayani” ay isang prestihiyosong pagkilala sa mga kawani ng pamahalaan na namamatay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Kaakibat nito ang pagkakaloob ng cash assistance, medalya ng pagkilala at pagbibigay ng scholarship na mga anak na inulila ng nasabing kawani.
Matatandaan na habang nagsasagawa ng rescue operation ang grupo ni Villarao sa mga nakulong na mga residente sa Linao East dahil sa matinding pagbaha ay nasagi ng sinakyan nilang patrol boat ang isang debri na nakasabit ang live wire.
Sinabi ni Libunao na nagkaroon ng transmission ng high voltage mula sa nasabing wire sa kanilang patrol boat kung saan si Villarao ang tumanggap sa lahat ng boltahe dahil siya ang nasa dulo ng patrol boat.
Agad na namatay si Villarao dahil sa nasabing insidente.