Nagluluksa ngayon ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Gattaran bunsod ng biglaang pagpanaw ng kanilang isang rescuer kamakalawa.

Sinabi ni Bryan Jay Siguru ng nasabing tanggapan na inatake sa puso na dahilan ng agarang pagpanaw ni Elpidio Cristobal, 51 anyos, habang isinasagawa ang earthquake drill.

Ayon kay Siguru, habang ginagawa ang aktibidad sa senaryo na isa si Cristobal sa magsasagawa ng rescue sa isang biktima ay biglang siyang napaupo hanggang sa mawalan ng paghinga.

Dahil dito, agad siyang nagsagawa ng CPR kay Cristobal bago siya dinala sa ospital, subalit binawian siya ng buhay.

Sinabi ni Siguru na sa loob ng kanilang opisina isinagawa ang drill.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa sa kanya na wala namang sinasabi si Cristobal na karamdaman at sa katunayan ay masigla siya na nakiisa sa drill dahil siya pa ang naghanda ng kanilang mga kagamitan.

Kaugnay nito, sinabi ni Siguru na nabigyan na nila ng paunang tulong ang pamilya ni Cristobal at masusundan pa umano ng karagdagang financial assistance.

Nabatid na si Cristobal ay nagtrabaho bilang rescuer ng MDRRMO Gattaran buhat noong 1995.