TUGUEGARAO CITY- Dumating na ngayong araw sa isla ng Batanes ang mga reserbang makina at iba pang mga kagamitan na gagamitin sakali mang magkaroon ng aberya sa mga presinto sa halalan, bukas.
Ayon kay Atty. Julius Torres, Director ng Commision on Elections (COMELEC)- Region 2, sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nai-airlift ang mga contingency vote counting machines at canvassing and consolidation system papunta sa pinakadulong probinsya ng Pilipinas sa hilaga.
Kasabay nito, sinabi ni Torres na all-system go na ang kanilang hanay para sa inaasahang pagboto ng mahigit 2.3 milyon na rehistradong botante sa rehiyon dos sa kabila ng mga aberya sa Final Testing and Sealing.
Ngayong araw din isinalang sa Final Testing and Sealing ang mga bagong makina mula sa tig-apat na bayan sa lalawigan ng Isabela at Cagayan, kapalit ng labin-isang depektibong VCMs na naipadala na sa VCM Repair Hub sa La Union.
Kasabay nito, tiniyak din ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na handang-handa na sila para sa patas at ligtas na halalan bukas.
Ipinaalala rin ng PNP ang umiiral na liquor ban na magtatagal hanggang sa huling minuto ng May 9.
Tiniyak din ng accredited citizen armed ng Comelec na Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV ang kanilang kahandaang magbantay ngayong halalan.
Bukod sa pagsusuot ng facemask, ipinaalala rin ng COMELEC sa mga botante na magdala ng kopya ng kanilang ibobotong kandidato bilang codigo upang mapadali ang pagboto, bukas.