Inihayag ni National Bureau of Investigation director Jaime Santiago na tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang irrevocable resignation.

Sinabi ni Santiago na aasahan na niya ngayong araw o sa susunod na mga araw ay lalabas ang kautusan tungkol dito.

Ayon sa kanya, magkakaroon na rin ng bagong director ang NBI.

Pinasalamatan ni Santiago ang NBI personnel sa kanilang suporta sa kanyang panahon bilang NBI chief at pinayuhan ang mga ito na ipagpatuloy ang kanilang magandang trabaho.

Noong buwan ng Agosto, nagbitiw si Santiago sa kanyang puwesto, kung saan sinabi niya na patuloy ang pagsira sa kanyang reputasyon ng kanyang mga detractor na may pansariling interes sa kanyang posisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ang kanyang tinutukoy ay ang inilarawan niyang malisyoso at walang katotohanan na mga ulat na inakusahan siya na nagsilbing “bagman” para sa illegal online cockfighting o e-sabong at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), na mariin niyang pinabulaanan.