Inihain sa Sanggunian Panlalawigan ang isang resolusyon na naghihimok sa pamahalaang lungsod ng Tuguegarao na magbukas ng mga access road bilang solusyon sa trapiko.

Sa resolusyon na inihain ni 3rd district Board member Rodrigo De Asis, hinikayat niya si Mayor Jefferson Soriano bilang chairman ng City Development Council na tumukoy ng mga bakanteng lupa sa lungsod para gawing konkretong kalsada at paglaanan ito ng pondo.

Paliwanag ni De Asis na patuloy ang pagdami ng populasyon at ng mga bagong sasakyan sa lungsod ngunit habang dumadami ay hindi naman lumalapad ang mga kalye kaya ang resulta ay mas mabigat na problema sa mga motorista.

Sinabi ni De Asis na mas magiging mabilis ang daloy ng trapiko kung may mga karagdagang access road sa lungsod.