TUGUEGARAO CITY- Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan ang isang resolusyon na nag-aatas sa mga tauhan ng PNP at PDEA na magkaroon ng body cameras sa tuwing sila ay magkakaroon ng operasyon lalo sa iligal na droga.
Sinabi ni Board Member Mila Lauigan na ito ay upang magkaroon ng patas na paglilitis sa kaso.
Ayon sa kanya, sa kanyang karanasan bilang isang abogado, marami umanong nadi-dismiss na drug cases dahil sa technicalities.
Sinabi niya na sa pamamagitan ng body cameras ay dito makikita kung totoo ang nasabing operasyon at kung totoo man ay magkakaroon ng mas mabigat na kaso laban sa mga target ng operasyon.
Bukod dito, makikita din sa body cameras kung nakasunod ang mga otoridad sa mga patakaran ng pagsasagawa ng mga operasyon.