TUGUEGARAO CITY- Mariing tinutulan ni Mayor Joan Dunuan ang isang resolusyon na humihiling na mailipat ang hepe ng PNP-Baggao kasunod ng nangyaring drag race na nauwi sa aksidente at ikinasugat ng tatlong indibidwal noong araw ng Linggo sa Brgy San Jose.

Sa panayam ng Bombo Radyo, kinuwestiyon ni Dunuan ang naturang resolusyon na ipinasa ng Sangguniang Bayan dahil wala umano ito sa kanilang hurisdiksyon at tanging Local Chief Executive ang may kapangyarihan nito.

Ayon pa sa alkalde, walang basehan upang suportahan nito ang kahilingang mailipat ang hepe ng pulisya dahil ginawa naman nila ang kanilang trabaho na magbantay sa naturang event.

Suportado rin naman nito ang posibleng imbestigasyon na isasagawa ng anumang grupo batay sa kahilingan ng Sangguniang Bayan.

Iginiit ni Dunuan na hindi pinayagan ng pulisya ang pagsasagawa ng drag racing kung kaya exhibition show na lamang ang ginawa ng mga miyembro ng Baggao Lancer Elite Organization bilang bahagi ng selebrasyon ng kanilang anibersaryo sa pahintulot ng LGU na dinaluhan din ng mga inimbitahang pulitiko at maging ng alkalde.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, gumugulong na rin ang imbestigasyon laban sa dalawang driver na sangkot sa aksidente na sina Carlo Christopher Lazaro, 23- anyos at Renato Trondillo Soriano, 42 anyos, tindero na kapwa residente sa nasabing barangay.

Matapos ang parada at exhibition show ay wala umano sa kaalaman ng organizer ng event na si JR Padilla na nagkahamunan at nagdesisyong magkaroon ng drag race ang dalawa sa kanilang miyembro na nauwi sa aksidente matapos nasagasahan ni Soriano ang tatlong katao na kinabibilangan ng dalawang menor de-edad.

Nilinaw din ni Dunuan na “market day” nang mangyari ang aksidente kung kaya maraming tao sa lansangan at ang pulis na nakita sa video ay nakatalaga bilang patrol at traffic sa isinagawang Grand rally parade na siyang tumulong para madala sa pagamutan ang mga biktima.

Samantala, inabisuhan na rin umano ng alkalde ang organizer ng event na puntahan ang mga biktima para sa karampatang tulong na maaaring ibigay sa pamilya.