Tuguegarao City- Tinalakay ng Committee on Appropriations at Committee on Laws ng Tuguegarao City Council ang pagpapasa ng resolution na magpapahintulot kay Mayor Jefferson Soriano na pumasok sa kasunduan ng pagloloan upang tugunan ang mga pangunahing proyekto sa lungsod.

Sa panayam kay City Councilor Reymund Guzmman, nakapaloob dito ang paghahain ng P200M na loan mula sa Land Bank of the Philippines.

Aniya, layon nitong tutukan ang mga proyektong pang imprastraktura, agricultural developments at kasama na ang modernization projects sa lungsod.

Kabilang din aniya sa paglalaanan ng pondo ay ang pagbibigay ng financial assistance sa mga magsasaka, livehood assistance sa mga MSMEs at marami pang iba.

Paliwanag ni Atty. Guzman, ang mga LGUs ay maaaring makapagloan sa banko upang tugunan ang kanilang mga proyekto batay na rin sa isinasaad ng Bayanihan 1 at 2.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod pa rito, napag-usapan din sa special session ng konseho ang Executive Order No. 117 na inilabas ni Mayor Soriano kaugnay sa pagpapalawig sa paggamit ng COVID Shield control pass mula Oktubre 17 hanggang Disyembre 31 ngayong taon.

Bahagi nito ay hihigpitan ang mga entry and exit point ng lungsod kung saan kailangan magprisinta ng travel authority, health declaration and certificate at iba pang kaukulang dokumento ang mga papasok sa lungsod.

Ipinunto pa ng opisyal na kailangang maisaayos ng mga panuntunang dapat ilatag bago ito ipasa bilang ordinansa upang maiwasan pa rin ang pagkalat ng virus sa Tuguegarao City.

Ayon pa sa kanya, kailangang balansehin ngayon ang implimentasyon ng mga ipatutupad na orinansa upang hindi rin makompromisyo ang pag-usad ng ekonomiya sa lungsod.

Nagdesisyon naman ang city council na idulog ito sa mga kaukulang committee para mabusisi at magpag-aralan ng husto bago ipasa bilang ordinansa.

Sa araw ng lunes ay nakatakdang magkaroon ng joint committee hearing ang Committee on Laws, Public Order at Health Committee upang pag-usapan ito kasama na PNP Tuguegarao, business sectors, city health office at ang binuong anti-covid 19 Team ng Tuguegarao para himayan ang epekto nito sa kalusugan at ekonomiya.