

Tuguegarao City- Inaprubahan sa konseho ng Tuguegarao ang isang resolution na naglalayong hilingin sa Regional Inter-Agency Task Force na isailalim ang lungsod sa tatlong araw na total lockdown.
Sakaling maaprubahan ay ipatutupad ang nasabing hakbang sa Oktubre 9-11 ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay City Councilor Atty. Reymund Guzman, isusumiti ni Mayor Jefferson Soriano ang rekomendasyon sa RIATF upang maaprubahan para sa implimentasyon.
Sinabi ni Atty. Guzman na kung sakaling ipatutupad ang total lockdown ay magsasara ang lahat ng pampubliko at pampribadong ahensya at mga establishimento.
Kasama rin aniya sa mga hindi maaaring magbukas ay ang mga talipapa, palengke at iba pa.
Tanging ang mga drugstores at mga essential business establishments na may kaugnayan sa health services lamang ang papayagang magbukas.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Atty. Guzman na wala ring papayagang lumabas ng bahay maliban lamang sa mga bibili ng gamot at mahahalagang pangangailangan.
Paliwanag ng opisyal na ang gagawin ng LGU Tuguegarao ang nasabing hakbang upang macontain ang pagkalat ng virus bunsod ng local at community transmission.
Samantala, napag-usapan din sa ginawang virtual session ang pagpapasa ng resolution upang hilingin sa Department of Budget and Management (DBM) ang budget para sa COVID-19 response ng lungsod.
Ayon sa kanya, nakapaloob sa Bayanihan to Recover as one Act ang government support fund ng mga LGUs na gagamitin para sa anumang COVID-19 related expenses.
Sakaling maaprubahan ay malaking tulong aniya ito para matugunan ang laban sa pagkalat ng sakit.
Kaugnay nito ay inihayag ng opisyal na muling magkakaroon ng special session ang konseho para mapag-usapan ang program plan nito.
Aprubado din ng konseho ang “Institutionalization of the Big Brothers Program” ng LGU Tuguegarao na layuning tumulong din sa mga karatig munisipalidad.
Paliwanag ni Guzman na nakapaloob sa programa pagbibigay ng LGU Tuguegarao ng relief and rescue on environmental management, education, rehabilitation and infrastructure support at iba pang maaring maitulong sa mga katabing munisipalidad.
Sinabi nito na ang nasabing proyekto ay naglalayong isulong ang pagtutulungan at pagdadamayan lalo na ngayong panahon ng pandemya.










