Inihayag ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Region 2 na walang maibibigay na social benefits sa ilalim ng mga programa ng ahensiya ang namatay na overseas Filipino Worker na tubong Amulung, Cagayan sa United Arab Emirates.

Sibabi ni Versie Tamayao, director ng OWWA Region 2 na hindi nila maibibigay ang death benefit na P230k, pangkabuhayan package at scholarship sa mga anak ni Marjorie Ancheta dahil sa hindi siya active member ng OWWA.

Gayonman, sinabi niya na maaaring ang magbibigay ng financial assistance sa pamilya ng OFW ay ang Department of Migrant Workers.

Kaugnay nito, sinabi ni Tamayao na aabutin ng hanggang anim na buwan bago makuha ang resulta ng autopsy ng bangkay ni Marjorie sa UAE.

Ayon sa kanya, may direktang komunikasyon naman ang DMW at OWWA head office sa pamilya ni Marjorie para sa mga update at maging sa mga tulong na maaari pang maibigay sa kanila.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa ni Tamayao na may naibigay naman na tulong ang employer ni Marjorie na isang guro sa Sharjah, UAE.

Hiniling ng pamilya ni Marjorie na i-autopsy ang kanyang labi dahil sa duda sila sa pahayag ng mga otoridad ng UAE na sa kanilang imbestigasyon ay wala umanong foul play sa kanyang pagkamatay.

Subalit, nagtataka sila dahil si Marjorie at isa pang Pinay na sakay din sa school bus ang na-suffocate umano dahil sa carbon monoxide na mula sa kanilang sasakyan na tumirik sa gitna ng baha habang nakaligtas ang driver at dalawang lalaki na ibang lahi.