Nasampahan na ng kaso ngayong araw ang anim sa sampung kalalakihan na nahuli matapos umanong nagpaputok ng baril sa isang farm sa bayan ng Solana, Cagayan.

Ito ay kinabibilangan ng isang retiradong sundalo na kinilalang si Jolito Magguddayao, 50-anyos, residente ng Barangay Bauan West at dalawang miyembro ng Task Force-Solana na sina Wilfred Caronan, 47-anyos at Loreto Malabad, 55-anyos, kapwa residente ng Barangay Centro.

Kasama rin sa mga nahuli ng pulisya katuwang ang Cagayan PNP, Intel Operatives ng 204th RMFB at Intel Operatives ng 17th Infantry Battalion ng 5ID Philippine Army sa isinagawang operasyon ay sina Romar Casibang, 51, Juan Saquing, 55 at Solito Simangan, 60 at kapwa residente ng Barangay Cattaran.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCAPT Jhun Jhun Balisi, hepe ng PNP-Solana na pormal na naghain ng reklamo sa Provincial Prosecutors Office ang tatlo sa dalawamput-isang complainant laban sa naturang grupo.

Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang PNP-Solana kaugnay sa umanoy maraming beses na pagpapaputok ng baril ng grupo matapos ang kanilang inuman sa Sitio Camagun, Barangay Sampaguita, Solana bandang alas 9:00 ng umaga noong Lunes, May 25.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Balisi na pinuntahan kaagad ng pulisya ang lugar ngunit wala na ang mga suspek at tumakas papuntang Barangay Nabbialan, Amulung West.

Sa tulong ng militar ay pinuntahan ng pulisya ang lugar at matagumpay na nahuli ang anim na suspek habang pinaghahanap na ang apat na iba pa.

Unang nahuli ang retiradong sundalo na nakasakay sa kanyang motorsiklo at nakuha sa kanya ang isang cal. 45 na baril na may tatlong bala habang sunod na nahuli sina Saquing at Casibang na lulan sa isang motorsiklo kung saan nakuha mula sa kanila ang isang patalim.

Nahuli naman sa follow-up operation ang dalawang LGU-employee, kung saan narekober sa kanila ang isang cal. 38 na baril na may anim na bala habang narekober kay Simangan ang isang homemade cal. 38 na baril na may tatlong bala.

Sinabi ni Balisi na bigong makapagpakita ng permit to carry outside residence o kahit anong dokumento ng baril ang mga suspek.

Batay sa reklamo, lage umanong nananakot ang grupo sa pamamagitan ng pagpapaputok ng kanilang baril sa Barangay Sampaguita kung saan umabot na sa 21 ang complainant ng mga ito.

Kasong paglabag sa Illegal Possession of Firearms and Ammunition, illegal discharge of firearms dahil sa pagpaputok ng baril, at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 o Illegal Possession of Bladed Weapon ang mga suspek.