Na-intercept ng Qatar ang lahat ng retaliatory missiles na pinakawalan ng Iran at pumasok sa Doha airspace, ayon sa ulat ng Bombo International News Correspondent na si Joseph Timothy Rivera.

Sa panayam, sinabi ni Rivera na nakaranas ng serye ng malalakas na pagsabog sa himpapawid ng Doha matapos ang joint attack ng United States at Israel laban sa Iran. Tinatayang nasa 12 missiles ang na-intercept ng air defense system ng Qatar habang siya ay nasa grocery at personal na nasaksihan ang pagharang sa mga ito sa ere.

Bagamat nabulabog ang ilang residente at nagkaroon ng mahabang pila sa mga pamilihan, nananatiling kontrolado at mapayapa ang sitwasyon, aniya. Agad ding nagpadala ng emergency alert ang pamahalaan ng Qatar at ang Embahada ng Pilipinas upang paalalahanan ang mga residente na manatili sa loob ng bahay, magtungo sa ligtas na lugar kung kinakailangan, at sumunod lamang sa opisyal na impormasyon.

Inanunsiyo rin ang pansamantalang pagsasara ng Doha airspace at ang suspensiyon ng mga flight papasok at palabas ng Hamad International Airport.

Ayon pa sa ulat, tumama rin ang isang Iranian missile sa naval base ng Amerika sa Bahrain kung saan matatagpuan ang US Navy 5th Fleet. Sa Qatar naman matatagpuan ang Al Udeid Air Base, ang pinakamalaking military facility ng US Central Command sa Middle East, na nasa humigit-kumulang 27 kilometro mula Doha.

-- ADVERTISEMENT --

Naglabas din ng babala ang pamahalaan ng Qatar na huwag lapitan o pulutin ang mga debris ng projectile at iwasan ang pagpunta sa mga military installation. Sa ngayon, wala pang anunsiyo ng malawakang paglikas ng mga Pilipino sa Qatar, ngunit kanselado ang pasok sa ilang tanggapan.

Nilinaw din ni Rivera na ang kumakalat na video ng pagsabog na iniuugnay sa Qatar ay hindi nagmula sa naturang bansa, dahil na-intercept ang lahat ng missiles sa himpapawid pa lamang.