Paghihiganti at pagkakasangkot sa iligal na droga ang mga sinisilip na motibo sa pamamaslang sa isang retiradong sundalo na isinasangkot sa kasong pagpatay sa lalawigan ng Apayao.
Nagtamo ng 19 na tama ng bala ng cal.45 na baril ang biktima na si Sylverio Juan, 53-anyos, residente sa bayan ng Flora.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni LT.COL. Jefferson Cariaga, deputy provincial director ng Apayao Police Provincial Office na isang lalaking naka-motorsiklo ang sumunod sa minamanehong kulong-kulong ng biktima, kasama ang kanyang asawa at kapatid na papauwi na sa bayan ng Pudtol, bago mag-tanghali ngayong araw.
Dito pinagbabaril ng suspek na nakasuot ng long sleeve at helmet ang biktima habang maswerteng hindi nadamay ang dalawa nitong kasama.
Narekober sa crime scene ang walong stem cell ng cal 45 at dalawang slug nito.
Nabatid na nag-ugat ang kaso ng biktima sa umanoy pagkakadawit sa kanya sa pagkakapatay ng isang lalaki sa kasalan nitong April, 2019 sa bayan ng Flora kung saan nagtagho ito sa bayan ng Pudtol hanggang sa napawalang sala ng korte.
Bukod dito, sinabi ni Cariaga na dati nang sumuko dahil sa iligal na droga ang biktima, ngunit nakalabas lamang dahil sa probation.
Dagdag pa ni Cariaga, lahat ng anggulo sa pamamaril ay masusing tinitignan ng mga imbestigador upang matukoy ang suspek na tumakas papuntang Abulug.