Tinanggihan ng mga retiradong military general at mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines officials ang panawagan ng maliit na bilang ng dating mga opisyal sa panawagan na bumaba sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasabay nito, tiniyak ng mga ito sa publiko na nananatiling professional at isang matatag na institusyon ang Armed Forces of the Philippines sa gitna ng kaguluhan sa pulitika sa bansa.
Sinabi ng Association of Generals and Flag Officers (Agfo), isang grupo ng mahigit 1,000 retired generals, na walang lumapit sa kanila para sumali sa umano’y destabilization activities, at iginiit na ang kanilang mga miyembro ay hindi sumusuporta sa hangarin ng ilang dating mga opisyal na kumilos laban sa Marcos administration.
Binigyang-diin ni retired Lt. Gen. Edilberto Adan, dating Agfo president at board member, na iginagalang nila ang karapatang magsalita ng mga dating opisyal, subalit ang kanilang mga aksyon ay hindi suportado ng mayorya ng mga rertiradong mga opisyal.
Sinabi niya na nananatili ang sinumpaan ng mga miyembro ng Agfo na depensahan ang ating bansa, ang Saligang Batas, at suportahan ang kapakanan ng personnel ng Armed Forces.
Ayon naman kay Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, inspector general ng Philippine Navy, hindi babalewalain ng militar ang mga pagtatangka na magpakalat ng mga walang katotohanang mga impormasyon kaugnay sa nasabing usapin.
Ang mga nasabing pahayag ay kasunod ng sinabi ni Maj. Gen. Romeo Poquiz at ilang dating mga opisyal na konektado sa mga kilos protesta na humihiling na bumaba si Marcos sa kanyang puwesto.
May ilan na nag-post online tungkol sa kanilang pag-aarmas, at sila umano ay nagsasalita para sa daang-daang retirees.
Nilinaw ng Agfo na hindi awtomatiko ang membership sa kanilang organisasyon ng mga retiradong heneral at ang mga nangunguna sa mga protesta ay hindi kabilang sa kanilang grupo.
Samantala, tiniyak ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na intact o buo ang AFP.
Reaksyon ito ni Padilla sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na “unstable” ang pamahalaan.