Iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang paggamit ng “retribution plus restitution” formula upang mabawi ng pamahalaan ang tinatayang P26 bilyon mula sa mga tiwaling opisyal at kontratistang sangkot sa mga ghost flood control projects.

Ang mungkahi ay nakabatay sa paunang ulat kung saan 421 sa 8,000 proyekto ang natukoy na peke o hindi naipatupad.

Sa ilalim ng panukala, maaaring makipag-plea bargain ang mga sangkot kapalit ng maikling sentensiya ngunit kailangang ibalik nila ang hindi bababa sa 80% ng nakulimbat na pondo.

Nilinaw ni Lacson na hindi dapat maging kapalit ng kalayaan ang simpleng pagbabalik ng pera, at dapat pa ring papanagutin sa batas ang mga sangkot.

Dagdag pa ni Lacson, maaaring habulin din ng gobyerno ang mga insurance companies ng mga proyekto upang madagdagan pa ang mababawi.

-- ADVERTISEMENT --

Hinikayat din niya ang mga ahensya tulad ng Ombudsman, DOJ, at ICI na magpakita ng matibay na political will.

Iginiit ni Lacson na dapat kunin ng pamahalaan ang inspirasyon mula sa galit ng taumbayan laban sa katiwalian.