Tatlong pa ang nasa listahan ng mga nawawalang katao na natabunan ng lupa sa pananalasa ng bagyong Egay sa Lubong Butao, Calanasan, Apayao.

Ayon kay PLT Dionisio Lomirez, hepe ng PNP- Calanasan, hindi pa rin itinitigil ang search and retrieval operation sa pag-asang makikita pa sina Rogelia Dasilag, Ralph Clarence Amlag at Saldino Marcelino Amlag, pawang mga residente sa naturang lugar.

Sa anim na naiulat na nawawala, tatlo na ang narekober na sina Faustino Amlag, Rodelina Saldino at ang pinakahuli ay si Bernard Dasilag, 52-anyos, isang CAFGU member.

Samantala, sinabi ni Lomirez na passable na ang lansangan mula Butao, Calanasan patungong Solsona, Ilocos Norte.

Nananatili namang sarado sa mga motorista ang Poblacion, Calanasan to Namaltugan, Kabugao hanggang Solsona, Ilocos Norte road dahil sa pagkasira ng lansangan at tulay sa bahagi ng Kabugao.

-- ADVERTISEMENT --

Tumutulong na rin sa ngayon sa clearing operations ang mga construction firm sa lugar upang mabuksan na ang mga lansangan na pansamantalang isinara dulot ng epekto ng nagdaang bagyo.