Nagpapasalamat si Rufa Mae Quinto kay Willie Revillame matapos siyang bigyan ng P1 million sa gitna ng kinakaharap niyang kaso dahil sa alegasyon ng investment scam sa isang skincare company na kanyang inindorso.
Sinabi ito ni Quinto nang dumalaw siya sa show ni Revillame.
Ayon kay Quinto, binigyan siya ni Revillame ng P1 million nang magkita sila sa isang restaurant nang kalalaya niya mula sa National Bureau of Investigation matapos siyang magpiyansa.
Sinabi ni Quinto na una niyang tinanggihan ang alok na pera ni Revillame dahil sa pag-iisipan daw muna niya ito, subalit ipinilit ito ng TV host dahil sa naaawa siya sa kanyang pinagdadaanan.
Ayon kay Quinto, bumisita siya noong Lunes sa show ni Revillame para pasalamatan siya, at para ipakita sa lahat na okay siya.
Matatandaan na boluntaryong sumuko si Quinto sa NBI noong Jan. 8 pagdating niya mula sa US dahil sa kasong 14 counts ng paglabag sa Section 8 ng Securities Code at nagpiyansa ng P1.7 million.
Iginiit ni Quinto na inosente siya sa mga akusasyon laban sa kanya, kung saan sinabi ng kanyang abogado na biktima din ang aktres dahil sa hindi pa siya binabayaran ng skincare company ng endorsement fee.