Tuguegarao City- May sampung araw na itinakda ang Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao upang pababain ang active cases ng COVID-19 sa lungsod hanggang Disyembre 20.

Ito ay batay sa naging resulta sa pagpupulong na ginanap katuwang ang Regional Inter-Agency Task Force at ni Cagayan Gov. Manuel Mamba bunsod sa rekomendasyon isailalim ang lungsod sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Sinabi ni Mayor Jefferson Soriano na kailangang paigtingin ang mga Zonal Containment Strategy sa mga Barangay na una ng nakapagtala ng kaso ng virus.

Bahagi aniya nito ay ang pagpapatupad ng MECQ protocols sa mga apektadong lugar kasama na ang monitoring sa paglabas ng mga residente kung saan tanging ang mga Authorized Person Outside Residence (APOR) lang ang papayagang makalabas.

Ayon sa alkalde, hihilingin din nito ang pagkakaroon ng special session ng City Council upang mapag-aralan ang mga ordinansang ipatutupad para makaiwas sa pagdami ng active cases ng COVID-19.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang na rin dito ang istriktong pagsunod sa tatlong araw lamang na lamay sa mga mahal sa buhay na namayapa at tanging mga kamag-anak lang ang dadalo rito.

Imomonitor din ang mga establishmento sa kanilang istriktong pagpapatupad ng health protocols at sakaling hindi sumusunod bibigyan ng warning hanggang sa mapatawan ng tatlong araw na closure sa unang paglabag, limang araw sa ikalawang paglabag at sampung araw sa ikatlong paglabag.

Tiniyak din ng alkalde ang pagbabantay sa mga quarantine checkpoints kung saan kasama sa mga titignan ay ang mga Returning OFWs na galing ng Manila.

Giit ng alkalde, sakaling na quarantine ng 7 days sa Manila ay bubuuin pa rin nito ang pitong araw pang nalalabi para makumpleto ang kanyang 14 days mandatory quarantine.

Ang mga Locally Stranded Individuals naman ay kailangang magprisinta ng letter of acceptance upang mamonitor ang pagdating ng mga ito at ng maiwasan ang pagdagsa at kumpulan sa mga isolation facilities ng lungsod.

Inihayag pa ni Mayor Soiano, na maglalaan din ang lungsod ng P25M mula sa budget sa susunod na taon para itulong sa National Government sa pa-acquire ng bakuna.

Paliwanag niya na sa pamamagitan nito ay magkakaroon din ng pagkakataon na mabigyan ng bakuna ang lungsod at sakali man ay uunahing maturukan ang mga nasa hanay ng poorest of the poor, vulnerable at mga may comorbidity.