Nanawagan sa gubyerno ang grupong bantay bigas na taasan ang bili sa lokal na palay ng mga magsasaka at huwag ipako sa P19 kada kilo.
Sa isinagawang rally ng grupo sa NFA, kahapon, sinabi ni Cathy Estabillio ng nasabing grupo na hinimok nila ang gubyerno na panatilihin sa P20.70 ang buying price ng NFA sa palay dahil binabarat ng husto ng mga traders.
Matatandaang, inatasan na ng NFA council ang pagbili ng P19 sa lokal na palay para mas madami pa silang mabili sa limitadong budget na mayroon sila.
Bukod dito, hinikayat din ng grupo ang NFA na ilabas na sa merkado ang 3.6 milyong bags ng murang imported NFA rice na nagkakahalaga ng P27 per kilo na may layuning mapababa ang kasalukuyang presyo ng commercial rice.
Una nang pinuna ng grupo ang mataas na presyo ng bigas sa mga pamilihan, sa kabila ng implementasyon ng Rice Tarriffication Law.
Ayon kay Estabillio, sa halip na tugunan ng batas ang mga naunang problema sa bigas ay mas lalo pa nitong pinalala ang hoarding o pagtatago ng bigas at price manipulation ng mga mapagsamantalang negosyante.
Hindi rin umano sagot sa pagbulusok ng presyo ng palay ang sinasabing pautang sa mga magsasaka
Ayon kay Estabillo, ang pagbasura sa Rice Tarrification Law ang tunay na sagot sa patuloy na pagkalugi ng mga magsasaka sa kanilang mga palay.
Iginiit ng grupo na dapat tutukan ng gobyerno kung paano palalakasin ang lokal na magsasaka para hindi na kailangan pang mag-import ng bigas.