Naniniwala ang Grupong Bantay Bigas na ang pagkalugi ng mga magsasaka ng palay sa bansa ay dahil sa epekto ng Rice Liberalization Law.
Ayon kay Cathy Estabillo, tagapagsalita ng grupo, mula ng maisabatas ang ito ay nagsimula ng maranasan ng mga magsasaka ang pagkalugi dahil sa mababang presyo ng palay gayong mataas pa rin ang mga presyo ng mga farm inputs na lalong nagpapahirap sa kanila.
Dagdag pa aniya ang pagdami ng mga imported na bigas sa bansa kaya’t napakababa ng presyo ng mga palay.
Sinabi niya na sa isinagawang konsultasyon ng grupo nitong Oktubre 13 ay naitala ang pinaka mababang presyo ng palay sa mga rice producing provinces tulad ng P9.00 sa Iloilo maging sa Mallig, Isabela, nasa P12.00-14.00 sa Nueva Vizcaya at iba pa.
Kinundina rin ng grupo ang pag-aray ng mga magsasaka sa dumobleng presyo ng mga abono at batay sa kanilang pagsisiyasat ay umaabot umano sa 95% ng mga abono sa bansa ay imported.
Punto niya, dahil dito ay nawawalan na ng kita ang mga magsasaka at lalo lamang silang nababaon sa kahirapan dahil maging ang NFA ay hindi naman kayang bilhin sa mataas na presyo ang kanilang produkto.
Kabilang pa sa pamantayan ng pagbili ng ahensya ay ang 14% dry gayong kulang na kulang ang mga magsasaka ng post harvest facilities kayat marami sa mga magsasaka ang nagbebenta nalamang sa mga traders.
Panawagan ng grupo na tutukan ang pagkakaroon ng price control sa bigas at maging ang seryosong pagtulong sa mga magsasaka upang makabangon sa epekto ng pagkalugi.