TUGUEGARAO CITY-Nakukulangan ang Philippine Farmers Advisory Board (PFAB) sa suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka kaugnay sa Rice Tarrification Law na isang taon na ngayong araw (FEB 14) simula nang pirmahan ni Pangulong Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo, binuweltahan ni Edwin Paraluman, chairman ng PFAB ang implementasyon ng batas na nagpapahirap ng husto sa mga magsasaka.

Sinabi ni Paraluman na hindi man nagkulang sa suplay ng bigas sa bansa subalit kakarampot o P2 lamang kada kilo ang ibinaba sa presyo nito.

Aniya, tanging mga traders at hindi mga consumers ang nakikinabang sa nasabing batas na siyang nagpababa sa presyo ng palay ng lokal na magsasaka ng hanggang P12/kilo.

-- ADVERTISEMENT --

Bwelta pa ni Paraluman na walang pakinabang ang mga small scale na magsasaka sa ayuda ng gubyerno sa rice tarrification dahil sa mga requirements para sa ayuda sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF.

Sinabi ni Paraluman na hindi balanse ang RCEF na bahagi ng taripa sa pagluwag sa importasyon ng bigas dahil 50% nito ay mapupunta sa mechanization habang hindi isinaalang-alang ang iba pang inputs gaya ng abono, binhi at iba pa.

Mahalaga aniya na mamuhunan ang gubyerno sa agrikultura, kagaya sa imprastruktura sa ilalim ng Build Build Build program.

Apela ng grupo na maamyendahan ang naturang batas para sa kapakinabangan ng mga Pilipinong magsasaka.