Naka-confine pa ang isang rider sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City na nasangkot sa vehicular accident sa bayan ng Amulung, Cagayan.
Sinabi ni PMAJ Jose Cabaddu, hepe ng Amulung Police Station, sangkot sa banggaan ang isang motorsiklo at van sa Barangay Kasingsingan Norte.
Lumabas sa kanilang imbestigasyon na mabilis ang patakbo ng motorsiklo na mula sa south direction nang mabangga niya ang kanang bahagi ng van na papaliko mula naman sa north direction.
Sa lakas ng impact ay tumilapon ang sakay ng motorsiklo na nagtamo ng matinding pinsala sa kanyang ulo, na ngayon ay ginagamot pa sa ospital.
Sinabi ni Cabaddu na wala namang tinamong pinsala ang driver ng van at dalawang pasahero nito.
Idinagdag pa ni Cabaddu na walang suot na helmet ang biktima na residente ng bayan ng Solana nang mangyari ang insidente.