
Nasawi ang isang rider matapos masunog kasama ang kaniyang motorsiklo nang bumangga ito sa isang nakaparadang sasakyan sa isang bypass bridge sa Laoag City, Ilocos Norte.
Batay sa imbestigasyon, nagliyab ang motorsiklo matapos ang banggaan na nagdulot ng matinding apoy sa bahagi ng tulay.
Naipit ang rider sa kaniyang motorsiklo at hindi na nakaligtas sa pagsiklab ng apoy.
Bago ang insidente, unang sumalpok ang motorsiklo sa sasakyang nakahinto sa tulay.
Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon ang angkas ng rider na agad dinala sa ospital, habang ang rider ay binawian ng buhay dahil sa tindi ng apoy.
Samantala, kusang loob na sumuko sa mga awtoridad ang driver ng nakaparadang sasakyan.
Ayon sa kaniya, pansamantala lamang niyang itinabi ang sasakyan dahil ito ay naubusan ng gasolina.
Aniya, naka-on ang hazard lights at nagsesenyas pa siya sa mga motorista gamit ang ilaw ng kaniyang cellphone nang mangyari ang aksidente.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang pananagutan ng mga sangkot.










