

Isang estudyante na hinihinalang sangkot sa illegal na droga ang naaresto ng pulisya matapos makuhanan ng marijuana at baril nang tangkaing iwasan ang checkpoint dahil sa hindi pagsusuot ng facemask sa bayan ng Gonzaga, Cagayan.
Kinilala ni Gonzaga Police Chief P/Capt. Jhunjhun Balisi ang suspek na si Sandy Palma, 20-anyos, binata at residente ng Brgy Luga, Sta Teresita.
Ayon kay Balisi, unang pinara ang suspek sa boundary-to-boundary checkpoint dahil sa hindi pagsusuot ng facemask at helmet ngunit umiwas ito at mabilis na tumakas subalit nahabol ito ng mga miyembro ng “Project Balisi Gonzaga riders”, na tagahabol sa mga disobedient riders.
Nang maabutan, nadiskubre sa box ng motorsiklo ng suspek ang isang transparent sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana, cal. 22 na baril na walang serial number at mga bala nito at kutsilyo.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Balisi na papunta sana sa bayan ng Sta. Ana ang suspek at lumilitaw na galing ang marijuana sa isa pang suspek na nahuli ng Gonzaga PNP, kamakailan.
Vc Balisi May 23
Nahaharap ngayon ang suspek sa patung-patong na kasong paglabag sa RA 9165, pagsuway at pagbalewala sa utos ng kinauukulan o Art 151 RPC-Disobedience and Resistance, RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, paglabag sa Batas Pambansa BILANG 6 o illegal possession of deadly weapon, RA 4136 dahil sa kawalan ng lisensiya at iba pang dokumento ng motorsiklo, Republic Act 10054 o ang Mandatory Helmet Act of 2009, at municipal ordinance number 6 sa kawalan ng facemask.




