
Iginagalang ng Bicol Saro party-list Representative Terry Ridon ang naging desisyon ng Senado sa pagpapalit ng liderato, ngunit tiniyak niyang magpapatuloy ang proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Ridon, magpapatuloy ang pagpapadala ng Articles of Impeachment sa Senado sa oras na makumpleto ang botohan sa Kamara ngayong Lunes.
Sinabi rin ni Ridon na handa ang Kamara na ituloy ang proseso matapos aprubahan ng mayorya ng mga mambabatas ang reklamo laban sa Bise Presidente.
Nauna rito, nagkaroon ng botohan sa Senado na nagresulta sa pagbabago ng liderato, kung saan si Senator Alan Peter Cayetano ang nahalal bilang bagong Senate President matapos ideklarang bakante ang lahat ng posisyon sa Mataas na Kapulungan.
Sa Kamara, inaasahang makakakuha ng sapat na boto ang impeachment complaint laban kay Duterte, na nangangailangan ng hindi bababa sa isang-katlo ng kabuuang bilang ng mga mambabatas upang umusad sa Senado.
Kabilang sa mga alegasyon laban sa Bise Presidente ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, graft and corruption, betrayal of public trust, at iba pang mabibigat na kaso kaugnay ng kaniyang panunungkulan sa Office of the Vice President at Department of Education.










