
Nanawagan si Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na gawin nang bukas sa publiko ang ilang bahagi ng kanilang imbestigasyon kaugnay sa kontrobersyal na flood control projects.
Partikular na hinihimok ni Ridon na payagan ang pagbasa ng mga sinumpaang salaysay (affidavits) sa mga pampublikong pagdinig, lalo’t ito ay itinuturing na public documents at dumaan na sa legal na beripikasyon.
Aniya, ang mga tanong mula sa mga miyembro ng komisyon ay maaari ring isagawa sa publiko upang mapalawak ang kaalaman ng mamamayan sa isyu.
Bagaman nananatiling pribado ang mga pagdinig ng ICI, naniniwala si Ridon na dapat nang ipabatid kung aling bahagi ng imbestigasyon ang maaaring ilantad sa publiko at alin ang dapat manatiling confidential, gaya ng mga sensitibong usapin na may kinalaman sa mas malalaking personalidad.
Balak niyang kumonsulta sa kanyang mga kapwa co-chair sa House Infrastructure Committee upang pormal na hilingin ito sa ICI.