
Sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na itinuturing na niyang tapos na ang usapin kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, bribery, at hindi maipaliwanag na yaman laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Rep. Ridon, sapat na ang mga ebidensya para makabuo ng probable cause sa impeachment case. Binanggit niya ang ulat ng Anti-Money Laundering Council na nagsasabing may tinatayang P6.7 bilyong halaga ng covered at kahina-hinalang transaksyon na may kaugnayan kina Vice President Duterte at sa kanyang asawa na si abogado Manases Carpio mula 2006 hanggang 2025.
Sinabi rin ni Rep. Ridon na kahit may inflow at outflow ang mga transaksyon, nananatiling malaki ang diperensya nito kumpara sa idineklarang yaman ng Bise Presidente.
Tinukoy din niya ang isang P40 milyong transaksyon noong 2022 na aniya ay hindi tugma sa iniulat na net worth na nasa P70 milyon lamang.
Dagdag pa ni Rep. Ridon, kahit pagsamahin ang kita ng mag-asawa bilang mga abogado at opisyal ng gobyerno, pati ang kanilang income tax records na tinatayang nasa P73 milyon, ay hindi pa rin umano sapat para maipaliwanag ang bilyon-bilyong galaw ng pera sa kanilang mga account.
Samantala, inaasahang magpapasya sa Abril 29 ang House Justice panel sa susunod na hakbang kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Duterte.










