Tuguegarao City- Isinusulong ngayon ng Pamahalaang Bayan ng Alcala ang pagsasagawa ng river channel widening sa mga ilog na sakop ng kanilang bayan.
Sa panayam kay Mayor Tin Antonio, nakapagsagawa na ng pag-aaral ang grupo ni Dr. Fernando Siringan, propesor mula University of the Philippines at isang Geologist katuwang ang iba pang mga experto at sientista para malaman ang kalagayan ng mga ilog sa bahagi ng Alcala.
Ayon kay Mayor Antonio, mahalaga ang nasabing proyekto upang maibsan ang epekto na dulot ng mga kalamidad tulad ng nangyaring malawakang pagbaha na nakapinsala sa madaming ari-arian ng mga mamamayan.
Kaugnay nito ay idinulog na aniya nila ang nasabing hakbang kay DENR Sec. Roy Cimatu sa kanyang naging pagbisita sa Tuguegarao kung saan ay inilatag pa ang mga rekomendasyon para sa matagumpay na resulta.
Bahagi pa aniya ng rekomendasyon ang pagkakaroon ng secondary channel na magiging daluyan ng tubig na nagmumula sa iba’t-ibang kabundukan upang hindi dirakteng bumaba patungong Pared River.
Sinabi ng alkalde na batay sa pag-aaral, ang Pared at Cagayan river sa bayan ng Alcala ang kadalasang nagiging imbakan ng naiipong tubig na nagmumula sa mga kabundukan ng Siera Madre, chico river at iba pang mga matataas na lugar.
Kung hindi aniya kakayanin ng ilog ay nagiging sanhi ito ng pag-apaw ng tubig at nagkakaroon pa ng back flow sa ibang bahagi ng Cagayan at maging sa Isabela.
Bukod sa mga nasabing hakbang ay tututukan pa rin ng LGU Alcala ang pagtatanim ng mga punong kahoy sa mga watershed areas kasama na ang mga kabundukan na magsisilbing belt of protection sa pagguho ng lupa at pagbaha.