Posibleng isailalim sa COMELEC control ang Rizal, Cagayan matapos itong ilagay sa “red” category kasunod ng pagpatay kay re-electionist Mayor Joel Ruma habang nangangampanya.

Ayon kay COMELEC Region 02 Director Atty. Ederlino Tabilas, pinag-aaralan pa ng COMELEC central office at inaantay pa ang ilalabas na resoluyon kaugnay sa rekomendasyong maisailalim sa kanilang kontrol ang naturang munisipalidad.

Kasabay nito, madadagdagan ang pwersa ng kapulisan na magbabantay sa national and local elections sa May 12.

Tiniyak naman ni Tabilas na mahigpit na binabantayan ang warehouse kung saan nakalagay ang Automated Counting Machines, at maging ang officials ballots na gagamitin para sa halalan.

Kaugnay nito, sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco na hinihintay pa nila ang rekomendasyon na ilagay sa red category ang nasabing bayan.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, sinabi niya na pamamagitan nito ay pag-aaralan din ng Comelec central office kung kailangan na ilagay sa Comelec control ang bayan ng Rizal.

Ayon sa kanya, ang central office ang magdedeklara sa red category at Comelec control.

Pinag-aaralan na rin sa ngayon na itaas sa orange category mula sa yellow category ang bayan ng San Pablo sa Isabela kasunod ng nangyaring pamamaril sa tatlong katao na kinabibilangan ng isang kandidato sa Sangguniang Bayan.

Samantala, inihayag ni Tabilas na bukas ang COMELEC na tumanggap ng pormal na reklamo lalo na sa pagdalo ng mga politiko o kandidato sa mga ipinamamahaging tulong ng DSWD ngayon panahon ng kampanya na labag sa COMELEC Omnibus Election Code.

Inihayag naman ni DSWD Asst Regional Director for Operations Franco Lopez na bago simulan ang payout ay tinitiyak nito na nakaalis na ang kandidato o politiko sa mismong payout area.

Sa ngayon ay pansamantalang sinuspinde ang pay-out sa mga benepisaryo alinsunod sa resolution ng poll body.