TUGUEGARAO CITY-Nagpasalamat si Rizal, Kalinga Mayor Karl Bugao Baac sa mga ahensya ng gobyerno sa ibinabang tulong na nagkakahalaga ng P20 milyon bilang bahagi ng programang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ayon kay Mayor Baac, kaisa ang Rizal sa mga programa ng task force na tuluyang wakasan ang pagsuporta sa makakaliwang grupo para makamit ang kapayapaan at katahimikan ng bansa.

Aniya, tatlong proyekto ang paglalaanan ng nasabing pondo na kinabibilangan ng rehabilitasyon sa Barroga-Baggas farm to market road na may pondong P15milyon, pagtatayo ng Water System na may pondo na tatlong milyong piso at dalawang milyong piso naman ang mapupunta sa Health Center Building partikular sa Barangay Babalag East.

Nasa 500 na pamilya mula sa nasabing barangay ang makikinabang sa nasabing proyekto kung kaya’t labis ang kanyang pasasalamat dahil malaking tulong ito para sakanila.

Hinimok din ng alkalde ang mga residente na ipakita ang kanilang kooperasyon para mapagtagumpayan ang mga proyekto na makakatulong sa kanilang panghanapbuhay.

-- ADVERTISEMENT --

Ang barangay Babalag East ay isa sa 820 na Brgy.na nakatanggap ng P20 Milyon na pondo matapos maideklarang malaya mula sa impluwensiya ng communist-terrorist groups (CTG).

Bukod dito, sinabi ni Baac na patuloy rin ang kanilang pagtutok sa mga pangangailangan ng iba pang Brgy.sa kanyang nasasakupan para maitaas ang lebel ng pamumuhay ng bawat residente.