Nilinaw ngayon ni Rizal Mayor Atty. Joel Ruma na libre ang paggamit sa kanyang lote ng mga Malaueg Jeepney Operators Transport Cooperative (MAJOTCO) sa Brgy. Gagabutan West.

Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegerao, sinabi ni Mayor Ruma na hindi siya naniningil ng renta sa mga miyembro ng MAJOTCO na pumaparada sa kanyang pribadong pag aaring lupa.

Inihayag din ng alkalde na hindi siya ang pumili sa lokasyon, bagkus ay ang mga miyembro ng naturang transport cooperative bilang tugon din sa public transportation modernization program ng pamahalaan.

Dagdag pa niya na sinikap din niya na magkaroon ng parking area ang mga bumabyaheng mga jeepney sa bayan ng Rizal para maiayos ito at hindi kung saan saan pumaparada na maaaring magdulot ng trapiko lalo na aniya at unti unti ng umuunlad ang kanilang bayan matapos na naayos at nakumpleto ang mga kalsada.

Nabatid na nasa 60 ang mga miyembro ng MAJOTCO na gumagamit sa libreng parking terminal.

-- ADVERTISEMENT --

Inihayag pa ng alkalde na unti-unti naman itong inaayos ng kooperatiba ang naturang terminal matapos na nakapagtayo na ang kooperatiba ng kanilang opisina
sa naturang lugar.