Hinihikayat ng Regional Juvenile Justice and Welfare Council Region 2 ang mga Local Government Units na magtatag ng Bahay Pag-asa para sa mga kabataan na nakakagawa ng krimen o ang tinatawag na Children in Conflict with the Law o CICL.

Sinabi ni Shiela Marie Apostol ng nasabing konseho na sa ngayon ay tatlo pa lamang ang operational na Bahay Pag-asa sa Region 2 sa Cauayan City at Santiago City sa Isabela at sa Batanes.

Ayon sa kanya, malapit na rin na magkaroon nito ang Nueva Vizcaya.

Sinabi ni Apostol na mahalaga ang pagkakaroon ng Bahay Pag-asa sa mga LGUs upang dito dadalhin ang mga CICL at hindi sila maihalo sa mga regular na mga persons deprived of liberty sa mga kulungan.

Ayon sa kanya, sa pamamagitan nito ay nakakagawa ang konseho at maging ang mga City o Municipal Social Welfare and Development Office ng mga interventions upang mabigyan ng pagkakataon ang mga CICL na magbago at magkaroon ng positibong pananaw sa kanilang buhay.

-- ADVERTISEMENT --

SInabi niya na ito ay para maihanda rin sila na makabalik sa komunidad.

Ayon naman Fiscal Maria Liza Guzman, miyembro ng konseho na marami pang kailangan para sa pagpapatakbo ng Bahay Pag-asa lalo na sa pinansiyal na aspeto at maging ang pagkakaroon ng sapat na tauhan upang mas maayos na mapatakbo ang mga ito.

Sa kabila nito, sinabi ni Guzman na ginagawa naman ng mga tauhan ng Bahay Pag-asa ang kanilang makakaya upang matugunan pa rin ang pangangailangan ng kanilang mga kliyente.