Tuguegarao City- Nakatakdang ilunsad muli sa lungsod ng Tuguegarao ang Road Clearing Operation matapos ang pagkakaantala ng unang pagpapatupad nito nang pumutok ang pandemya.
Ito ay uumpisahan sa darating na November 16 hanggang January 15, 2021.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ret. Col. Pedro Cuntapay, head ng Task Group Clean and Order, ito ay alinsunod din sa inilabas na memorandum circular ng DILG na nag-aatas sa mga LGUs na ayusin ang mga lansangan mula sa mga obstruction na nakaharang sa mga lansangan.
Aniya, una ng tinanggal noon ng kanilang hanay ang mga talipapa o mga puwestong nagtitinda sa gilid ng kalsada kasama na ang mga posteng iniharang ng ilang mga establishimento.
Kaugnay nito, sinabi ni Cuntapay na nagsagawa na ng pagpupulong ang LGU Tuguegarao katuwang ang mga barangay officials na katuwang sa implimentasyon at maging ang iba’t ibang mga private companies.
Sinabi nito na aayusin din ang mga linya sa kalsada upang walang makaparada sa mga outerlane ng daan na gagawing linya para sa mga tricycle at iba pang small moving vehicles.
Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa mga service providers upang maayos ang mga posteng kinalalagyan ng mga kable na masasakop ng clearing operation.
Ipinaalala pa ni Cuntapay na bawal din ang pagbibilad ng mga mais, palay at iba pang mga agri products sa kalsada na kadalasang nagiging sanhi ng aksidente.
Sa ngayon ay nakapaglatag na aniya sila ng kanilang operational plans upang makatugon sa nasabing kautusan.
Magsasagawa din umano ng validation ang kanilang hanay kasama ang DILG upang mamonitor ang compliance ng mga barangay officials na siyang pangunahing katuwang sa mahigpit na implimentasyon ng nasabing hakbang.
Ipinunto ni Cuntapay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na lansangan upang makaiwas sa traffic at iba’t ibang insidente sa daan.