Tuguegarao City- Muling nagpaalala ang Tuguegarao City Public Order and Safety Unit (POSU) sa mga motorista kaugnay sa pinaigting na pagpapatupad ng batas trapiko sa lungsod.

Ito ay alinsunod sa “Road Safety Code” na ipinatutupad sa lungsod sa ilalim ng City ordinance 47-08-2019.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ret. MAJ Vincent Blancad, hepe ng POSU, nakasaad sa naturang ordinansa ang mas mataas na multa sa mga violators hinggil sa naturang ordinansa.

Nakapaloob sa nasabing ordinansa na ang paglabag sa limitasyon ng tricycle lane ay mapapatawan ng P1,000-5,000 mula una hanggang ikatlong paglabag.

Dagdag pa rito, P500 naman ang multa para sa wrong parking at no helmet driving violators, P2,000 sa obstruction at iba pang kaukulang multa sa bawat paglabag.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin aniya ng ordinansa na maayos ang daloy ng trapiko at mapababa ang bilang ng mga nasasangkot sa aksidente dahil sa kawalan ng disiplina sa pagmamaneho.

Naniniwala ang opisyal na sa pamamagitan ng mataas na multa ay mapipilitang sumunod ang mga motorista sa lungsod.

Magugunitang ipinatupad ang ordinansa sa lungsod noong ika-15 ng Pebrero kung saan ay umabot na sa 173 ang nahuling violators base sa pinakahuling tala ng POSU.