
Sinabi ni Senador Robin Padilla na wala siyang tutol kung iimbestigahan siya ng pamahalaan kaugnay ng alegasyong obstruction of justice matapos umanong tulungan si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na makalabas sa Senado habang may isyu ng warrant mula sa International Criminal Court.
Ayon kay Padilla sa isang ambush interview, karapatan ng pamahalaan na magsagawa ng imbestigasyon at handa siyang sumunod sa anumang proseso ng batas.
Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na sinusuri ng Department of Justice ang posibleng pananagutan ni Padilla sa insidente, kung saan iginiit ng senador na hindi niya tinulungan si Dela Rosa at sakay lamang ito ng kanyang sasakyan nang umalis sa Senado.
Samantala, nauna ring naghain ng reklamo ang ilang oposisyon at human rights groups sa Office of the Ombudsman laban kay Padilla at iba pa kaugnay ng insidente sa Senado.
Giit pa ng senador, wala pa umano siyang natatanggap na imbitasyon o subpoena ngunit makikipagtulungan siya sakaling ipatawag ng mga awtoridad.
Si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ay may umiiral na warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng umano’y crimes against humanity na may kinalaman sa mga napatay sa anti-drug campaign mula 2016 hanggang 2018. Matapos ang insidente sa Senado, naiulat na umalis si Dela Rosa sa gusali noong Mayo 14.




