Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na hihingi ng tulong ang mga imbestigador sa ibang bansa upang makagamit ng submersible remote robots sa paghahanap sa mga bangkay ng mga nawawalang sabungero na umano’y itinapon sa Taal Lake.

Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inatasan niya ang kanyang staff na gumawa ng sulat sa Japanese government at mahiram ang kanilang remote operating vehicles o ROVs, at maging ang iba nilang equipment para magamit na magalugad ang lake bed ng Taal.

Naniniwala kasi si Remulla na credible ang mga pahayag ng whistleblower na si alyas ‘Totoy’ na kasalukuyang sinusuri ng pulisya.

Hindi rin umano puwedeng aregluhin ang kaso dahil maituturing umano itong mass murder, na bukod sa 34 nawawalang sabungero ay may higit 100 bangkay at itinapon sa lawa, batay sa sinabi ni Totoy.

Iginiit ni Remulla na matagal nang hinahanap ng mga pamilya ang kanilang kaanak, kaya kailangan na ito ay maisulong at mabigyan ng hustisya ang mga pamilya ng mga sabungero.

-- ADVERTISEMENT --

Una rito, inamin ng Philippine Coast Guard (PCG) na ang operasyon ay isang “challenging deployment” subalit tiniyak na mayroon silang proper equipment at training para sa nasabing misyon.

Nasa 60 na technical divers ng PCG ang naka-stand by para sa pagsisimula ng paghahanap at naghihintay lamang ng go signal mula sa DOJ.