
Magkakahalong galaw sa presyo ng produktong petrolyo ang ipatutupad ng mga fuel retailer sa bukas, Nobyembre 25, 2025.
Ayon sa abiso ng mga oil companies, bababa ng P0.20 kada litro ang presyo ng gasolina, matapos ang anim na sunod-sunod na linggong pagtaas.
Samantala, tataas naman ng P0.60 kada litro ang diesel para sa ikaapat na sunod na linggo, at P1.30 kada litro ang dagdag sa kerosene.
Ayon sa Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) ito ay bunsod ng sitwasyon sa pandaigdigang suplay, demand, at tensyong geopolitikal.
Noong nakaraang linggo, nagtaas ng P0.50 kada litro ang gasolina at P1.00 kada litro ang diesel.
Sa kabuuan, umabot na sa P19.90 ang netong pagtaas ng gasolina, P24.05 para sa diesel, at P8.65 para sa kerosene ngayong taon hanggang Nobyembre 18, 2025.









