Ibinunyag ni dating Senate President Francis Escudero na si dating House Speaker Martin Romualdez ang nasa likod ng umano’y paggamit ng for later release (FLR) funds at pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para isulong ang hindi konstitusyonal na impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Ayon kay Escudero, ipinangako umano ni Romualdez ang pagpapalabas ng FLR bago ang eleksiyon 2025 kapalit ng pagsuporta sa reklamo.

Gayunman, hindi ito naipatupad matapos na tanggihan mismo ni Pangulong Marcos ang naturang usapan.

Ipinaalala rin ni Escudero na mismong Korte Suprema ang nagpasya na labag sa Konstitusyon ang impeachment complaint laban kay Duterte dahil sa paglabag sa one-year ban.

Dahil dito, ini-archive ng Senado ang reklamo noong Agosto.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Escudero, si Romualdez din umano ang nasa likod ng pagtuturo sa kanya bilang dahilan ng pagkakatanggal ni Rep. Elizaldy Co bilang appropriations chair at sa mga pagkilos hinggil sa national budget

Bago ang mga paglalantad na ito, tinanggal si Escudero bilang Senate President noong Setyembre 9 at pinalitan ni Vicente “Tito” Sotto III.