Na-cite in contempt muli si dating Presidential Spokesperson Harry Roque at iniutos na maditine sa House of Representatives hanggang sa maisumite niya ang mga dokumento na nasa ilalim ng subpoena na inilabas ng quad committee.

Inaprubahan ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers ang mosyon na ginawa ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores sa pagdinig ng quad committee ngayong araw na ito.

Sinabi ni Flores sa kanyang mosyon na matatanggal lamang ang contempt kay Roque kung maisusumite niya ang mga hinihinging mga dokumento.

Matatandaan na naditine si Roque nitong nakalipas na buwan dahil sa umano’y pagsisinungaling sa parehong komite at kung bakit nabigo siya na dumalo sa nakalipas na pagdinig sa Pampanga.

Ito ay may kaugnayan sa isinasagawang imbestigasyon sa extra judicial killings na nangyari noong panahon ng Duterte Administration.

-- ADVERTISEMENT --

Ang quad committee ay binubuo ng House Committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts.