TUGAUEGARAO CITY – Patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang apat na pasahero na nasugatan nang matamaan ang sinakyang van ng isang farm machinery na nahulog mula sa trailer truck sa bayan ng Amulung, Cagayan.
Kinilala ang mga biktima na sina Ines Antonio, 69; Daisy Antonio, 24; Julia Araneta, 56 na pawang mga residente sa bayan ng Amulung at Hanijul Dela Cruz, 27 ng Alcala.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Staff Sgt. Manuel Matagay ng PNP- Amulung na magkasalungat na tinatahak ng dalawang nadamay na van at ang trailer truck na minamaneho ni Melvin Villon, 31-anyos nang aksidenteng nakalas sa pagkakatali at nahulog ang rotavator sa Barangay Calamagui.
Tig-dalawang pasahero ng van ang nasugatan sa insidente habang totally damaged ang isang van na huling nabagsakan ng nahulog na rotavator.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na mabilis ang patakbo ng trailer truck kung saan hindi pa nito napansin na nahulog ang kargang rotavator.
Nabatid na galing sa lalawigan ng Kalinga at patungong Norte sa Cagayan ang traailer truck.