Sasailalim na sa RT-PCR testing ang mga biyaherong walang maipakitang dokumento na papasok sa lalawigan ng Cagayan sa bahagi ng checkpoint sa Ilocos Norte-Cagayan Boundary sa bayan ng Sta Praxedes.

Ayon kay Rueli Rapsing, head ng Task Force Lingkod Cagayan (TFLC), may nakatalagang health personnels sa boundary checkpoint mula sa LGU na magsasagawa ng testing sa mga motorista na papasok sa lalawigan na walang maipakitang negatibong resulta ng RT-PCR test o vaccination card.

Bahagi aniya ito ng pinaiiral na mas maigting at mabusising pagbabantay sa mga boundary checkpoint upang masiguro na nasusunod ang mga alituntunin ngayong nasa ilalim ang Cagayan sa General Community Quarantine with heightened restrictions.

Layon din aniya nito ayon kay Rapsing na maibaba ang aktibong kaso ng virus sa lalawigan lalo na sa bayan ng Claveria at maiwasang makapasok ang kinatatakutang delta variant na mas nakakahawa.

Bukod sa Sta Praxedes, hiniling na rin ng TFLC sa pamamahalaang lokal ng Tuguegarao City at Enrile na maglagay ng RT-PCR swabber sa boundary checkpoint para sa mga biyaherong bigong makapagpakita na sila ay negatibo sa virus o wala pang bakuna.

-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw naman ni Rapsing na maaari pa namang pumasok sa lalawigan ang mga motoristang sumailalim sa swab-test.

Isa ang TFLC sa mga inatasan ni Governor Manuel Mamba upang tumulong sa pagbabantay sa mga boarder checkpoint para sa mga papasok o uuwi sa lalawigan.