TUGUEGARAO CITY- Nakatakdang magsagawa ng public hearing at consultation ang Regional Tripartite and Wages Productivity Board o RTWPB Region 2 tungkol sa dagdag-sahod para sa manggagawa sa pribadong sektor at domestic workers.
Sinabi ni Joel Gonzalez, director ng Department of Labor and Employment o DOLE Region 2 at chairman ng board ng RTWPB na pagkatapos ng mga public hearing at konsultasyon sa mga probinsiya ng rehion ay isusunod naman na isasagawa ang regional public hearing sa May 5, 2022.
Ayon sa opisyal na layunin nito na malaman ang pananaw at sitwasyon ng bawat panig upang matukoy kung magkano ang dagdag-sahod kung kinakailangan ng wage increase.
Ipinaliwanag niya na marami rin kasing dapat na ikonsidera sa pagtatakda ng dagdag-sahod tulad na lamang ng hiling ng labor sector at ng mga employer.
Ipinaliwanag niya na kung batay kanilang pag-aaral ay may itatakda silang halaga ng dagdag-sahod at hindi magkasundo ang mga mangagawa at mga employer ay dito na magkakaroon ng mga paraan upang magkasundo ang magkabilang panig.
Iginiit ni Gonzales na sa panig ng RTWPB ay nakikita nila na may pangangailangan na ng dagdag-sahod sa kabila na gumaganda na ang ekonomiya ng rehion batay sa kanilang initial review matapos na ilagay sa alert level 1 ang sitwasyon ng rehion sa covid-19 subalit dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay nagsunurang tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Subalit, sinabi niya na kailangan na makuha ang pananaw ng magkabilang panig upang maitakda kung magkano ang ipatutupad na dagdag-sahod.
Kasabay nito, sinabi ni Gonzales na ang kanilang gagawing public hearing at konsultasyon ay sa kabila na walang petisyon o oposisyon na inihain sa RTWPB.
Ang kasalukuyang arawang sahod sa rehion ay P345 hanggang P375 habang sa domestic workers naman ay P4, 000 kada buwan.