Sumuko si Rufa Mae Quinto sa National Bureau of Investigation (NBI) may kaugnayan sa kaso na kanyang kinakaharap kasunod ng arrest warrant na inilabas ng Pasay court.

Si Quinto kasama ang pamilya ay kararating lang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kaninang pasado 5:00 a.m. mula sa San Francisco, California.

Sinabi ni NAIA – NBI Chief Jimmy de Leon, nakipag-ugnayan ang abogado ni Quinto sa NBI para sa boluntaryong pagsuko ng aktres.

Sumailalim si Quinto sa medico-legal examination bago siya dinala sa korte sa Pasay.

Nahaharap ang komedyante ng kaso may kaugnayan sa issue ng Dermacare, ang parehong kumpanya na dahilan din ng pagkakaaresto nitong 2024 kay actress- entrepenuer Neri Naig.

-- ADVERTISEMENT --

Una na nang itinanggi ni Quinto na sangkot siya sa “scam issue,” at nangako na makikipagtulingan sa mga awtoridad.

Sinabi rin ni Atty Mary Louise Reyes, abogado ni Quinto, kinasuhan ang kanyang kliyente ng 14 counts of violation of Section 8 ng Securities Regulation Code.

Nilinaw ni Reyes na hindi nahaharap sa large-escale estafa complaint sa Quinto.