Lumagda ng isang partnership deal ang Russia at North Korea, na lumalabas na pinakamalakas na ugnayan ng dalawang bansa mula pa noong Cold War.
Nitong Miyerkules, pormal na pinirmahan nina Russian President Vladimir Putin and North Korean leader Kim Jong Un ang bagong partnership na naglalaman ng pangako na mutual aid sakaling maharap ang isa sa dalawang bansa sa “aggression.”
Bagaman hindi naipakita ang mga detalye ng kasunduan, ito ay maaaring ituring bilang pinakamalakas na ugnayan sa pagitan ng Moscow at Pyongyang mula nang matapos ang Cold War. Inihayag din ng dalawang pinuno na ito ay isang major upgrade sa kanilang relasyon, na sumasaklaw naman sa seguridad, kalakalan, pamumuhunan, cultural and humanitarian ties.
Naganap ang pagpupulong nang bumisita si Putin sa North Korea sa unang pagkakataon sa loob ng 24 taon. Naganap ito habang ang Estados Unidos at ang kanilang mga kaalyado ay nagpapahayag ng pag-aalala sa posibleng kasunduan ng dalawa hinggil sa armas kung saan umano’y nagbibigay ang North Korea ng munitions sa Russia para gamitin sa kanilang digmaan sa Ukraine, kapalit ng economic assistance at technology transfer na maaaring magpalakas sa banta ng nuclear weapons at missile program ni Kim.