TUGUEGARAO CITY- Food poisoning ang nakikitang dahilan nang sabay-sabay na pagkamatay ng apat na alagang baboy sa bayan ng Lasam, Cagayan.

Ayon kay Carmelita Rivera, municipal Agriculturist ng Lasam, batay sa kanilang isinagawang imbestigasyon at inspection, namatay ang apat na baboy na pagmamay-ari ni Edison Corpuz dahil sa ipinakaing umanong tira-tira at halo-halong gulay na hinaluan ng darak.

Nilinaw din nito na hindi umano apektado ng African Swine Fever ang mga namatay na baboy dahil hindi naman lahat ng mga alagang baboy ay namatay.

Aniya, may isang baboy na hindi namatay matapos hindi pakainin ng nasabing pagkain ng baboy.

-- ADVERTISEMENT --

Una rito, batay sa kwento ng nag-aalaga ng mga baboy na si Edison Corpuz, sabay-sabay na namatay ang kanyang mga alagang baboy matapos pakainin ng kanyang anak.

Agad naman niya itong ipinagbigay alam sa kinauukulan na labis naman na ipinagpasalamat ni Rivera.

Kaugnay nito, sinabi ni rivera na patuloy ang kanilang monitoring sa mga nag-aalaga ng mga baboy sa kanilang nasasakupang lugar at tiniyak nitong walang makakapasok na baboy o pork products na apektado ng ASF.