TUGUEGARAO CITY- Inanod ng tubig-baha ang 430 na sako ng mais mula sa ilang barangay sa bayan ng Baggao, Cagayan dahil sa pagragasa ng tubig mula sa kabundukan dahil sa mga pag-ulan na dala ng bagyong Maring.

Sinabi ni Mayor Joan Dunuan, na ang mga nasabing mais ay nasa gilid ng mga kalsada na nakatakda sanang ibilad.

Ayon sa kanya, naging kaugalian na kasi ng mga magsasaka na itambak na lang sa gilid ng mga kalsada ang mga aning mais para ibilad at hindi nila inasahan ang malalakas na pag-ulan kaya hindi agad na nahakot ang mga ito.

Kaugnay nito, sinabi ni Dunuan na umaabot na sa 149 families na binubuo ng 521 idividuals ang lumikas sa mga evacuation centers mula sa limang barangay ng Baggao dahil sa mga pagbaha.

Sinabi ni Dunuan na posibleng madagdagan pa ang nasabing bilang dahil binabantayan nila ang iba pang barangay na madalas din na nakakaranas ng pagbaha sa tuwing may masamang panahon.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit sinabi ni Dunuan na ang kanilang malaking problema ngayon sa rescue operation ay kung lubog na sa tubig-baha ang tulay o kalsada na papunta sa mga lugar na kailangan na may mga ililikas.

Sinabi niya na sa ngayon ay umaabot na 67 bridges ang sarado bukod pa sa ilang mga kalsada dahil sa baha.

Samantala, umaabot na rin sa 24 families na may 53 individuals ang inilikas sa bayan ng Pamplona.

Sinabi ni Glenmore Bacarro ng MDRRMO na ang mga ito ay mula sa mga barangay ng Gattu, Nagtupacan at Centro.

Bukod dito, sinabi ni Bacarro na wala rin silang suplay ng kuryente.

Sa bayan ng Aparri, sa Brgy. Minanga, may ilang kabahayan din ang binaha subalit hindi na lumikas ang mga residente.

Binaha rin ang ilang bahay sa isla ng Calayan matapos na umapaw ang tubig sa mga sapa.

Dito naman sa lungsod ng Tuguegarao, sinuspindi na ang pasok sa lahat ng government offices simula kaninang hapon.

Hindi na rin madaanan ang Pinacanauan overflow bridge dahil pag-apaw ng tubig.

Sinabi ni Joe Robert Arirao, Bombo Correspondent na batay sa mga residente, na ito unang pagkakataon na naranasan nila na umabot sa kanilang higaan ang tubig baha.

Gayonman, sinabi niya wala pang mga lumikas sa mga evacuation centers sa mga apektadong pamilya sa halip ay inilagay lamang nila sa ligtas ang kanilang mga kagamitan.

Sinabi niya na malalakas na rin ang alon sa dagat kaya pinag-iingat ng mga otoridad mga residente at manatiling nakaalerto dahil sa nararansan pa rin mga pag-ulan at hangin.

Batay naman sa mga abiso mula sa mga residente sa iba pang bayan sa Bombo Radyo, hanggang tuhod na ang tubig baha sa Sta. Isabel , Buguey Super Highway habang isolated ngayon ang mga barangay ng PiƱa Weste, Capissayan Norte at Sur sa bayan ng Gattaran dahil sa mga pagguho ng lupa at mga pagbaha.

Sa lalawigan ng naman ng Batanes, nagpahayag ng kalungkutan si Governor Marilou Cayco dahil sa hindi pa sila lubos na nakakabangon mula sa pananalasa ng bagyong Kiko nitong nakalipas na buwan ay nakakaranas na sila ngayon ng malakas na hangin at ulan dahil sa bagyong Maring.

Dahil dito, pansamantalang itinigil muna ng mga residente na nasira ang mga bahay dahil sa bagyong Kiko ang pagsasaayos sa kanilang mga bahay dahil sa sama ng panahon at sa pag-iingat na rin sa covid-19.

Ayon sa kanya, sa ngayon ay nasa 30 percent sa 387 na totally damaged na mga bahay ang naaayos bukod pa sa mahigit 2, 000 na partially damaged houses.

Idinagdag pa ni Cayco na 70 percent na ang kanilang power restoration na pinatumba din ng bagyong Kiko.

Isa rin aniya sa kanilang problema ay ang hindi stable na internet connection dahil sa inaayos pa ang tower ng telecommunication sa kanilang lalawigan.