TUGUEGARAO CITY-Huli ang isang sales agent dahil sa pamemeke ng medical at travel authority para makapagbyahe at makalusot sa mga nakalatag na checkpoint ng kapulisan sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan.
Una rito, sinabi ni P/chief master sergeant Boy Turingan ng PNP-Sanchez mira, ipinagbigay alam ng PNP-Pagudpud sa probinsiya ng Ilocos Norte na may hawak umanong pekeng dokumento ang suspek na si Harold Bartolome,residente sa Bacarra, Ilocos Norte na patungo sa Cagayan.
Agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang kapulisan at nitong araw ng Martes, Hulyo 14,2020, nagtungo ang suspek sa kapulisan para kumuha ng travel authority na gagamitin para makauwi sa Ilocos Norte.
Nang ipinakita ng suspek ang kanyang medical certificate at nagkaroon ng beripikasyon ay dito nakumpirma ng PNP-sanchez Mira na ang taong kanilang hinahanap at ang taong kukuha ng travel authority ay iisa.
Dahil dito, agad na hinuli ang suspek at sinampahan ng kasong falsification of public document.
Paliwanag ng suspek sa kapulisan, may kamahalan umano ang pagkuha ng medical certificate kung kaya’t kanyang pinatulan ang alok ng kanyang kakilala na pekeng certificate na nagkakahalaga ng P450.
Nabatid na nagtungo ang suspek sa Sanchez mira dahil kinuha umano siya ng isang telecommunication company.